Ano daw?!

Thoughts, questions and reflections on my langauge lessons.

Tuesday, October 17, 2006

Usapang Pinoy

Papaano nga ba ako nagsanay magsulat at magsalita ng wikang Ingles? Naalala ko nung unang taon ko sa mataas na paaralan, akako ay nagpasya na magsisimula akong sumulat sa aking talaarawan sa Ingles. Nasa akin pa hanggang ngayon ang mga talaarawan na ito ngunit ayoko na mabasa ang mga isinulat ko dahil malamang matatawa ako. Matagal na din akong nasanay sa pag susulat at maging sa pagsasalita ng Ingles. Sa palagay ko nga, nahasa lang akong magsalita ng Ingles dahil kailangan ito sa Kolehiyo ng Batas, at dahil din madami akong kamag-aral na mahilig mag Ingles. Masasabi ko na sa ngayon ay bihasa na ako sa wikang Ingles, at malamang, mataas ang makukuha ko sa mga pagsusulit na ibinibigay para malaman ang kabihasaan ng isang tao sa wikang ito tulad ng IELTS at TOEFL.

Habang ako ay nahahasa sa wikang Ingles, napansin ko na nahihirapan na ako magbasa at magsulat sa wikang Filipino. Di kasi nagagamit kaya pumupurol. Parang kahit anong gamit, kinakalawang kung nakatiwangwang lang. Mabuti nga noon at kahit paano, ang misang dinadaluhan ko at nasa wikang Filipino. Hanggang ngayon naman ay nanonood pa din ako ng mga programa sa telebisyon at nakikinig sa radyo ng mga programa na Filipino ang gamit na wika. Yun nga lang, napapansin ko din, na hindi na din mahusay mag Filipino ang mga brodkaster, maging ang mga manunulat sa mga peryodikong Filipino. Nakakainis nga kasi paano na lang ang mga nakikinig sa kanila, mali ang mapupulot at magagaya. Bukod pa sa mali talaga minsan ang gamit ng mga salita, masyado na talagang palasak ang paggamit ng mga salita na inihalili o inangkat lamang sa ibang wika gaya ng pangungusap na ito: "Isang bata ang namatay matapos malunod sa isang creek sa kasagsagan ng Bagyong Milenyo." Maaari naman gamitin ang salitang Filipino ng creek subalit creek pa din ang ginamit. Ang malaking problema nga lamang, o masa angkop na sabihin, ang malaking suliranin nga lamang ay kahit ako ay hindi matandaan ang katumbas sa wikang Filipino ng creek. Estero ba? Lalo namang hindi ilog o kanal. Dahil marahil sa hindi paggamit ng wikang Filipino ay nawawala na, hindi na mahalukay ang mga salita na sadyang Filipino. Marahil sa panahon na ako ay nabubuhay sa mundo ay masasaksihan ko ang pagbabago ng wikang Filipino. Marahil, naiinis man ako sa tanong na "Ano ang ginawa nyo sa school?" dahil dapat sana kung diretsong Filipino ang gagamitin ay "Ano ang ginawa nyo sa paaralan?" Ngunit kahit ang nauna kong pangungusap ay may mga salitang hiram - ang diretso ay galing sa wikang Español. Maari kong ituran (sa halip na "sabihin" dahil ang "sabihin" ay nagmula sa "saber" or "sabes" na wikang Español) ang pangungusap na "Ang estudiante ay gumagamit ng mesa at silya sa eskuwela at akalain ng iba na ako ay nagsasalita sa wikang Filipino ngunit ang totoo, ako ay hindi. Dahil ang tamang pangungusap ay "Ang mag-aaral ay gumagamit ng sulatan at upuan sa paaralan." Marahil, paglipas ng ilan pang taon, wala na ring makakapansin bukod sa mga ka-edad ko na ang pangungusap na "Mabait ba ang teacher mo sa bago mong school? May mga lunch mates at friends ka na bang bago?" ay hindi Filipino. Siguro nga ay ganun talaga ang mangyayari dahil nga ang wika ay buhay, patuloy na nagbabago. Kung tutuusin, ito nga ay kahalintulad ng isang tao: pinapanganak, sumisibol, lumalago, nagbabago hanggang sa tuluyang mamatay. Dapat siguro (muli, ito ay Español kung inyong napansin), tanggapin ko ito dahil ang paggamit sa Filipino ngayon ay siya nang bagong wikang Filipino. Kung iisipin nga, matibay tibay ang wikang ito. Isipin mo, sa tagal ng panahon at sa dami at lakas ng daluyong ng impluwensya (wala na akong maisip na ibang salita) na rumagasa sa wikang ito, ang nababago lamang ay ang mga nouns (hindi ko alam ang Filipino ng noun!) at verbs (hindi ko din alam ang Filipino ng verb!) ngunit hindi ang grammar (hindi ko alam!). May isang manunulat sa Business World na nagsulat hinggil dito at ang kanyang napuna, ang wika sa North America ay Ingles na, sa South America naman at Español or kaya ay Portuges, at sa Australia naman ay Ingles din. Patay na ang wika na syang taal sa mga lupaing iyon. Subalit sa Pilipinas, buhay na buhay pa din ang mga wikang Pilipino tulad ng Filipino (o Tagalog), Bisaya, Kapampangan, Ilocano, Ilonggo at iba pa. Kungsabagay, hindi lang naman tayong mga Pilipino ang buhay na buhay pa din ang wika. Sa totoo lang, higit na mas matatag at hindi masyadong naiiba nga pananakop ang mga wika sa ating mga kapitbahay tulad ng wika sa Malaysia at Indonesia kahit pa sila ay matagal ding nasakop ng dayuhan.

Nahirapan ako isulat ang blog na ito. Isa lang ang ibig sabihin nito. Nanganaglawang na ang Filipino ko. At nakakahiya man, para bang hindi ito ang wikang nakakapagpahayag ng nilalaman ng isipan ko.

Kung sabagay, kahit tinuran man ni Dr. Jose Rizal na ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa mabahong isda, kapansin pansin na kahit sya ay nawa'y hindi bihasa sa wikang ito dahil kahit ang kanyang mga liham sa pamilya at kaibigan ay nasa wikang Español. Ako ay nababahala. Ano ang pakahulugan nito?

0 Comments:

Post a Comment

<< Home